Mismong sa mga guro at estudyante umano nanggaling ang pinakamalakas na suporta para sa pagbabalik ng face-to-face classes.
Ayon kay Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, batay sa survey na isinagawa ng kagawaran, lumalabas na ang mga mag-aaral ang “strongest supporter” ng face-to-face learning.
Inihayag pa ni Briones, ang naturang survey ay nilahukan ng mga estudyante, mga magulang, at pati na rin mga teachers.
Nito aniyang mga nakalipas na buwan, nakatatanggap umano sila ng feedback galing sa mga guro tungkol sa kasalukuyang set-up kung saan karamihan daw sa mga bata ang gusto na kaharap mismo ang kanilang mga teachers at maging ang atmosphere ng paaralan.
Pero aminado ang kalihim na may ilang mga magulang pa rin ang may agam-agam tungkol sa in-person classes.
Sa ngayon, inilahad ni Briones na patuloy lamang ang paghahanda ng kagawaran para sa panahong bawiin na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang deferment sa gagawing pilot implementation ng face-to-face classes sa piling mga lugar sa bansa.