-- Advertisements --

NAGA CITY – Nakatakdang isagawa ng Department of Education (DepEd)-Bicol ang psychological first aid (PFA) sessions sa mga estudyanteng labis na naapektuhan ng dumaang magkakasunod na bagyo sa rehiyon.

Sa opisyal na pahayag ng DepEd-Bicol, isasagawa ito sa loob ng limang araw at ang grupo ay bubuuin ng mga Division Mental Health and Psycho-social Support (MHPSS) focal person, Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Coordinator, Youth Formation Coordinator, Guidance Counselors at mga PFA Trained teachers.

Target umano ng nasabing hakbang ang nasa mahigit sa 200 estudyante sa bawat schools division office at makapag bigay rin ng mental health services sa mga guro at non-teaching personnel ng ahensya na naapektuhan ng nasabing mga bagyo.

Maliban dito mamimigay rin ng mga food packs at learners’ kits sa estudyante.

Samantala, isasagawa naman umano ito face to face alinsunod narin sa guidelines na issue ng DepEd Disaster Risk Reduction and Management Service (DRRMS).

Ngunit tiniyak naman ng ahensiya na masusunod ang mga minimum health standards sa pagsasagawa ng PFA upang matiyak ang siguridad ng mga estudyante.

Kung saan lilimitahan lamang umano ang bawat session sa 15 hanggang 20 katao alinsunod narin sa mahigpit na pagsunod sa health protocols ng national government.