-- Advertisements --

Tumataas ang bilang ng mga evacuee na nagkakasakit ng ubo at sipon sa mga evacuation centers na inilikas noong kasagsagan ng pananalasa ng nagdaang bagyong Kristine.

Kayat binigyang diin ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa ang pangangailangan para sa malinis na maiinom na tubig para sa mga evacuee.

Sa datos nitong Martes, mayroon pa ring mahigit 500,000 indibidwal o katumbas ng 121, 814 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center. Kung saan nasa kabuuang 83,777 kabahayan ang napinsala o partially damaged dahil sa bagyo.

Kaugnay nito, sinabi ni Sec. Herbosa na nagpadala na sila ng medical teams mula sa DOH sa mga shelter na namonitor na may mga kaso ng acute respiratory infection Lalo na sa mga bata. Kayat pinapayuhan ang mga evacuee na magsuot ng face masks.

Nagbibigay na rin aniya ang kanilang teams ng Aquatabs o water purification tablets sa mga pamilyang nasa mga evacuation shelter para matiyak na malinis ang kanilang iniinom na tubig.