-- Advertisements --

Pinayagan nang bumalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente sa pitong barangay sa Santa Ana, Cagayan na isinailalim sa forced evacuation kahapon dahil sa biglaang pagbaha sa kanilang mga lugar dahil sa hightide.

Sinabi ni Mayor Nelson Rubinion, pinayagan nilang makabalik sa kanilang mga lugar ang mga residente dahil sa humupa naman na ang tubig-baha at mabigyan sila ng pagkakataon na maayos ang kanilang mga bahay.

Gayunman, sinabi ni Rubinion na nananatiling suspendido ang klase dahil sa karamihan sa mga evacuees ay mga bata.

Maging sa ibang bayan na may mga evacuees ay bumabalik na rin sa kanilang mga tahanan dahil sa pagbuti na ng panahon.

Samantala, batay sa datus ng PDRRMO Cagayan ay umaabot pa sa 2,800 families o 9,573 ang mga evacuees.

May ilang tulay at mga kalsada din ang nananatiling sarado dahil sa tubig-baha.