Matapos ang isinagawang sensory test ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa mga fish samples mula sa karagatang sakop ng lalawigan ng Cavite, kinumpirma nito na hanggang sa ngayon ay hindi pa ligtas kainin ng tao ang mga sample ng isda mula sa naturang katubigan.
Ito ay dahil pa rin sa oil spill dulot ng paglubog ng isang tanker sa Limay, Bataan noong Hulyo 25 ng kasalukuyang taon.
Ayon sa ahensya, sa kabila nito ay ligtas namang kainin ng mga tao ang mga sample ng isda mula sa Bataan, Bulacan, Pampanga, Batangas at Metro Manila, partikular mula sa Navotas, Parañaque at Las Piñas.
Inihayag pa ng BFAR na regulang nilang kinokolekta at sinusuri ang mga fish sample upang matukoy kung ito ay apektado ng pagkakaroon ng mga nakakapinsalang contaminants mula sa tumagas na langis na tinatawag na polycyclic aromatic hydrocarbons.
Mahalaga ito upang matiyak na ang mga isdang nahuhuli sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng pagtagas ng langis ay libre sa kontaminasyon at ligtas para sa publiko.
Samantala, ang mga sample ng isda at shellfish naman mula sa Navotas, Manila, Parañaque at Las Piñas ay natukoy na ligtas sa kontaminasyon ng langis at grasa batay sa resulta ng sensory evaluation na isinagawa noong Hulyo 31, Agosto 6 at Agosto 12.
Ligtas ring kainin ng tao ang mga sample ng isda mula sa Batangas, partikular sa Nasugbu, Lian at Calatagan dahil nag negatibo ito sa bakas ng langis.