Aminado ang Philippine Coast Guard na maaaring nagamit ang mga fishing vessel o mga pleasure yacht sa pagtakas ng mga pugante patungo sa ibang mga bansa.
Sa isang pagdinig na isinagawa ng Senate Committee on Public Services at Justice and Human Rights, tinanong ni Senator Raffy Tulfo ang Philippine Coast Guard kung posible bang magamit ang mga medium-sized o hindi kalakihang mga fishing vessel para makalabas ng bansa.
Sagot naman ni Captain Oliver Tanseco, ang commander ng Coast Guard Investigation and Detection Management Service, maaaring gamitin ang mga mga typical na tuna fishing vessel, o mga pleasure yacht para sa pagtakas ng mga pugante mula sa bansa.
Inihalimbawa ni Tanseco ang aniya’y naging paliwanag ni Alice Guo na sumakay sila ng pleasure yatch noong tumakas sila sa bansa.
Paliwanag ni Tanseco, nilawakan na nila ang ipinapakat na security measure sa mga pantalan at katubigan ng bansa.
Ayon kay Tanseco, binabantayan na, hindi lamang ang mga conventional port sa bansa o yaong mga pwerto na may mga nagbabantay na personnel ng Coast Guard, Bureau of Quarantine, at Bureau of Immigration, kungdi maging sa iba pang mga beach resort kung saan maaaring pumuslit sa pamamagitan ng maliliit na banka, tulad din ng naunang testimonya ni Shiela Guo.