ROXAS CITY – Patuloy sa ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng Roxas City PNP sa nangyaring pagbudol-budol sa dalawang mga food cart vendors sa People’s Park Brgy.. Baybay Roxas City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Roxas kay PCMS Ramil Arcangeles tagapagsalita ng Roxas City PNP sinabi nito na batay sa salaysay ng mga biktima, nagpanggap umano bilang costumer ang nasabing suspek na isang myembro ng LGBTQ community kung saan umorder umano ito ng iba’t ibang street food kagaya na lamang ng kwek-kwek, siomai, dynamite, at kikiam na umaabot sa mahigit P2,000.
Makalipas ang ilang minuto, nagpanggap umano ang suspek na lowbat ang cellphone nito at hiniram ang cellphone ng isa sa mga nabiktimang vendors upang tawagan umano ang kanyang mga kaibigan na nakaorder na ito ng pagkain at nanghiram din umano ito sa mga biktima ng P900 bilang pambayad sa pamasahe ng kanyang mga kasamahan sa inukupa nilang dalawang trisikel mula bayan ng Ivisan papunta sa People’s Park at nangakong babayaran nalang nito ang kabuuan pagdating ng mga kasamahan nito.
Dagdag pa ni Arcangeles, nagtiwala naman umano ang mga biktima dahil sa dami ng inorder nito at sa nagtatagalog din umano ang nasabing suspek.
Habang abala sa pagluluto ang mga biktima dito na at nagpaalam ang suspek na pupunta muna sa foodcourt upang sunduin ang mga kasamahan nito ngunit lumipas ang sampung minuto hindi na ito nakabalik pa.
Doon pa lamang napagtanto ng mga biktima na na budol-budol kaya’t dali-dali naman silang nagreport sa istasyon ng mga kapulisan tungkol sa nangyari.
Samantala, positibo namang kinilala ng mga biktima ang identity ng suspek dahil sa ipinakitang larawan ng mga kapulisan mula sa kanilang rouge’s gallery ng mga LGBTQ members na sangkot sa mga insidente ng panloloko at pagnanakaw sa lungsod.
Napag-alaman din na dati nang nakulong sa kasong pagbebenta ng ilegal na droga si Alyas Tanya at sangkot din sa serye ng mga nakawan sa Roxas City.