Hindi na agresibo makipagsagupaan sa mga sundalo ang mga banyagang terorista na nasa main battle area pa rin sa lungsod ng Marawi.
Ayon kay AFP chief of staff Gen. Eduardo Año, batay sa nakuha nilang impormasyon, nag-iba na rin umano ang ugali ng mga banyagang terorista sa pakikipaglaban na hindi na gaya ng dati na napaka-agresibo.
Nasa walong foreign terrorist na lamang ang nasa main battle area kabilang na si Dr. Mahmoud na isang Malaysian at itinuturing na top leader ng mga foreign terrorist.
Sinabi ni Año kanilang sisiguraduhing hindi makalalabas ng Marawi ang mga terorista at makapaghasik pa ng karahasan sa ibang lugar.
Pahayag pa ng opisyal na intensiyon ng teroristang grupo na makatakas sa main battle area kaya palipat-lipat ang mga ito sa mga pinagtataguang gusali.
Target ngayon ng militar na ma-neutralize si Mahmoud at iba pang mga terorista at kumpiyansang makukuha ng militar ang mga natitirang terorista.
“Based doon sa mga information na na-gather natin, ‘yung isang prominenteng terrorist na si Dr. Mahmoud is still in the area and some other Indonesians and Malaysians but we learned also na yung kanilang attitude is not like before, hindi na sila gaanong ka-aggressive and we are very optimistic that we will get all of them,” wika ni Gen. Año.
Nasa 30 Maute terrorists na lamang ang tinutugis ngayon ng militar sa Marawi na kinabibilangan ng walong mga banyagang terorista.
Tinawag namang “stragglers” ng heneral ang mga natitirang Maute fighters dahil wala nang lider na nagmamando sa mga ito at kanya-kaniyang galaw na umano ang mga ito.
Naniniwala naman si Año na ilang araw na lamang at tapos na ang giyera sa Marawi at tuluyan na nilang mapapalaya ang siyudad mula sa mga teroristang Maute na sumakop sa siyudad.
“I’m certain that the neutralization of Hapilon and Omar is the last straw that has broken the camel’s back. The Marawi crisis will be over sooner than later,” pahayag pa ni Año.