-- Advertisements --

Sinang-ayunan ni Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga panawagan ng mga frontliners o health workers na bigyang halaga ang pagpapahinga o “timeout.”

Sa kaniyang isinagawang Recollection for Filipino Frontliners sa pamamagitan ng online mula sa Vatican, sinabi nito na dapat pakinggan din ang panawagan ng mga frontliners na pagpapahinga mula sa kanilang trabaho.

cardinal chito tagle

Kung tutuusin ayon sa grupo ng mga doktor, wala naman talaga sila pahinga mula pa noong pumutok ang isyu sa paglaganap ng COVID-19 sa buong mundo. Ang kanilang lamang hinihingi ay makapag-isip muna ng mga dagdag na diskarte sa paglaban sa pandemya.

Inihalimbawa naman ni Tagle na ang mga frontliners ay mga tao rin at hindi isang “tool, functionary o makina.”

Ipinaalala nito na maging ang isang makina ay dapat ding magpahinga para tumagal ito.

Binigyang diin pa ng kanyang kabunyian na habang nagpapahinga, dapat pagnilayan din ng mga frontliners na ang kanilang ginagawa ay isang malaking sakripisyo para sa sambayanan.

Ayon pa kay Cardinal Tagle, hindi lamang ang mga frontliners ang dapat magpahinga kundi maging ang mga nagpositibo sa coronavirus kung saan kapag habang nagpapagaling ay samantalahin ang pagpapahinga.

Ikinalungkot din nito ang sitwasyon sa panahon ngayon na ang mga kinapitan ng COVID-19 ay pinapangalanan na lamang “case number” o kaya “patient number.”

Ipinaalala ng kardinal na ang mga “case number” na ito ay mga tao pa rin at may mga pangalan.

Kung maalala kamakailan lamang ay itinaas pa ni Pope Francis ang ranggo ni Tagle sa Vatican bilang Cardinal-Bishop at bahagi ng Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples at miyembro ng Pontifical Council for Inter-religious Dialogue.