CENTRAL MINDANAO-Upang madagdagan ang kaalaman ng mga frontliners patungkol sa iba’t-ibang sakit sa balat na dumadapo sa mga bata, isinagawa ang isang refresher training on various skin diseases sa City Convention Hall sa Kidapawan City.
Si Dr. Jose Martin Evangelista, Pediatrician na nakatalaga sa City Health Office ang nagbigay ng lecture sa mga frontliners na binubuo ng mga midwives mula sa City Health Office, mga nurses mula sa DOH-Health Human Resource-Nurse Deployment Project o DOH-HRH/NDP, at mga dentists at school nurses mula sa ilang provate schools sa lungsod.
Kabilang sa mga sakit sa balat na ibinahagi ni Dr. Evangelista sa kanyang lecture ay measles, chicken pox, dengue, scabies, contact dermatitis, at hand, foot, and mouth disease na tumama sa ilang mga mag-aaral mula sa ilang mga paaralan sa lungsod at iba pang sakit o problema sa balat dulot ng viral infection tulad ng shingles at skin rashes.
Ayon kay Dr. Evangelista, mahalaga para sa mga frontliners na malaman o maunawaan ang iba’t-ibang uri ng skin disease lalo pa’t may mga sakit na pare-pareho ang ipinapakitang sintomas o manifestation lalo na sa hanay ng mga bata.
Mas magiging madali ang pagbibigay ng lunas kung alam ng mga front liners kung ano ang sakit sa balat na tumama sa mga pasyente maging adult man o pedia.
Sa oras na magkaroon ng skin disease ay hindi dapat ito ipagwalang-bahala at mas mainam na magpatingin sa doktor lalo na sa kaso ng mga batang inamaan ng hand, foot, and mouth disease o HFMD. Nilinaw naman ni Dr. Evangelista na mild lamang ang mga kaso ng HFMD na dumapo sa ilang mga elementary pupils sa lungsod.
Dumalo sa aktibidad si Kidapawan City Mayor Atty Jose Paolo Evangelista kung saan pinasalamatan niya angmga frontliners sa kooperasyon at suporta sa nasabing lecture.
Dumalo din City Councilor Airene Claire Pagal, Chairperson ng Sangguniang Panlungsod ng Kidapawan Committee on Health, Sanitation, and Social Welfare at ipinahayag niya ang kahalagahan ng lecture at ng presensiya ng mga frontliners sa aktibidad.
Bahagi rin daw ng tungkulin ng kanyang committee na isulong ang mga kahalintulad na refresher course for front liners, health information dissemination, wellness campaign, at iba pa.
Samantala, bilang bahagi ng aktibidad, binigyan naman ng pre-test at post-test ang mga partisipante bilang update na rin sa kanilang mga kaalaman patungkol sa tinatawag na differential of skin disease o ang iba’t-ibang sakit sa balat ng tao at karampatang gamot para rito.
Matapos naman ang lecture proper ay binigyan ng Certificate of Participation ang bawat frontliner sa pamamagitan nina City Health Officer Dr. Joyce Encienzo, City Hospital Chief Nerissa Dinah Paalan at Norriane Joy Raquel, CESU Coordinator mula sa City Health Office.