Kukumpiskahin na rin ng mga opisyal ng Philippine Military Academy (PMA) ang anumang kagamitan ng mga kadete na maaring gamitin sa “maltreatment.”
Ayon kay AFP chief of Staff Lt. Gen. Noel Clement, dati nang nagpapatupad ang PMA ng tinatawag na “showdown inspection” para sa mga kagamitan na maaring magamit sa pananakit.
Dahil sa panibagong kaso ng hazing sa PMA, oobligahin na ang mga kadete na isuko na ang mga ito.
Ang pahayag ng Heneral ay kaugnay ng mga ulat na isang “taser” ang ginamit umano sa pangunguryente kay 4CL Darwin Dormitorio na namatay dahil sa hazing.
Gayunman, hindi kinumpirma ni Clement kung “taser” nga ang ginamit kay Dormitorio.
Paglilinaw naman ng heneral, hindi standard issue equipment ang “taser” sa mga kadete.
Ani Clement, mayroon na ring ipinatutupad ang PMA na “strip down” upang inspeksyunin kung may mga pasa sa katawan ang mga kadete.