CAUAYAN CITY- Dinagsa ng mga motorista ang mga gasolinahan sa Cauayan City dahil sa pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo bukas, araw ng martes.
Batay sa abiso ng mga kompanya ng langis na “super bigtime” oil price hike sa gitna ng labanan sa pagitan ng Russia at Ukraine na nagdulot ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa world market.
Ayon sa Unioil, maglalaro sa P12.20 hanggang P12.30 ang posibleng taas-presyo ng kada litro ng diesel habang pitong piso sa kada litro ng gasolina.
Samantala, P9.70 hanggang P9.80 naman ang itataas sa kada litro ng kerosene.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Vito Lariosa, tsuper at isang magsasaka na nagpakarga ng petrolyo, sinabi niya na kailangan na niyang mag-imbak ng maraming volume ng petrolyo upang may magamit at maiwasan na ang mataas na presyo nito na magsisimula bukas.
Aniya bumili na lamang siya upang may magamit sa anihan dahil kung aantayin pang tumaas ang presyo nito ay malaking problema na naman nilang mga magsasaka.
Ayon kay Ginoong Lariosa inikutan niya ang mga gasolinahan sa lunsod upang makita ang may pinakamurang petrolyo ngunit dahil bawal na ang pagpapakarga sa mga container sa ibang gasolinahan ay mas pinili na lamang niyang bumili sa Petron kung saan pinapayagan pa ang pagpapakarga sa container o drum.
Gagamitin umano ni Ginoong Lariosa sa kanyang hand tractor at reaper ang kanyang biniling diesel.