-- Advertisements --

ILOILO CITY- Nagpatupad na rin ng mas mahigpit na seguridad ang mga gobernador sa Western Visayas kasunod ng pag-assasinate kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa walong iba pang sibilyan sa loob ng kanyang compound sa Brgy. San Isidro, Pamplona, Negros Oriental.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Iloilo Governor Arthur Defensor Jr., sinabi nito na ang political assassinations ay walang puwang sa isang sibilisadong lugar kung saan nararapat na bigyan ng halaga ang buhay ng tao at protektahan ang karapatang pantao.

Ayon kay Defensor, inutusan na niya ang bagong talagang director ng Iloilo Provincial Police Office na si Col. Ronaldo Palomo upang ipatupad ang mas mahigpit na seguridad hindi lang sa kanya kundi sa lahat ng mga municipal mayors at iba pang public officials.

Bilang kapwa gobernador, hiling ni Defensor na mapanagot ang mga nasa likod ng pag-assassinate kay Degamo kasabay rin ng kanyang pagpapaabot ng dalamhati sa naiwan nito na mahal sa buhay.

Napag-alaman na isa rin si Defensor sa mga kasapi ng League of Provinces na nakipagpulong kay Philippine National Police chief General Rodolfo Azurin Jr. sa Camp Crame kung saan napag-usapan ang security situation sa bansa.