-- Advertisements --

Naniniwala si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na ang mga Government Owned and Controlled Corporation (GOCCs) ang maaaring paghugutan ng pondo para sa implementasyon ng dagdag-pension ng mga mahihirap na senior citizens sa bansa.

Ang pahayag ni Pimentel ay kasunod na rin ng statement ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi kasama sa panukalang 2023 National Budget ang kinakailangang P25 billion na karagdagang pondo para sa pension hike ng mga nakatatanda.

Sinabi ng mambabatas, kaya ng mga GOCC na pondohan ang pagpapatupad ng Republic Act (RA) No. 11916, kung saan itaas na sa P1,000 ang buwanang pensiyon ng mga benepisyaryo mula sa P500.

Binigyang-diin nito na tuloy-tuloy na ang pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng COVID-19 pandemic, kaya inaasahang tataas na rin ang kita at cash dividends ng mga GOCC.

Dagdag pa ni Pimentel, maaaring atasan ng Malakanyang ang mga GOCC na magbayad ng mas mataas na dividend rate na hanggang 75%, alinsunod sa Republic Act 7656.

Batay sa nakalap na impormasyon ng mambabatas, noong 2021 pa lamang ay aabot sa P57.55 billion ang na-remit na cash dividends ng GOCC.

Nagbabala naman si Pimentel na kung hindi maglalaan ang pamahalaan ng pondo para sa dagdag-pensyon ng senior citizens, baka tumaas ang insidente ng kagutuman at magresulta ng iba pang problema sa hanay ng mga nakatatanda.

Kabilang sa tinukoy ni Pimentel na mga GOCC ay ang Bangko Sentral ng Pilipinas, Philippine Deposit Insurance Corp., PAGCOR, PCSO, Manila International Airport Authority at iba pa.