Nanindigan ang Department of Education (DepEd) na walang magiging aktibo at direktang papel ang mga guro sa pagtuturok ng COVID-19 vaccine sa oras na maging available na ito sa bansa.
Ayon kay DepEd Sec. Leonor Briones, sinanay ang mga guro para magturo at hindi magturok ng mga bakuna.
“Dini-deny namin iyong perception na ang mga teachers ay sila mismo ang mag-vaccinate ng ating mga kabataan or your fellow teachers dahil may COVID o wala, anong klaseng sakit o wala, very strict ang protocol sa medicine na kung hindi ka trained medical personnel, hindi ka naman talagang isasabak sa mga medical procedures,” ani Briones.
“Teachers are trained to teach, not to administer vaccine,” dagdag nito.
Binigyang-diin din ni Briones na maaring makatulong ang mga guro sa pagtuturo sa mga mag-aaral bilang pagpapakilala sa vaccine program ng pamahalaan base na rin sa diskusyon kasama ang Department of Health (DOH).
Samantala, sa paggamit naman ng mga paaralan bilang vaccination centers, iginiit ni Briones na magiging case-to-case basisi ito dahil hindi naman lhat ng paaralan ay may espasyo at kagamitan para sa programa.
Sa kasalukuyan, nagpaalala ang kalihim na ang mga paaralan ay tumatayo bilang distribution sites ng learning packets at ng mga self-learning modules.
Ginagamit lamang din aniya ang mga schools bilang quarantine facilities sa oras na papayagan ng lokal na pamahalaang nakasasakop dito.