-- Advertisements --

Nagbabala ang Department of Education (DepEd) sa mga opisyal at tauhan ng administrative repercussions sa pag-uutos sa mga guro na gawin ang mga “unnecessary tasks” na nakakagambala sa kanila sa pagtuturo.

Sa isang memorandum, pinaalalahanan ng DepEd ang lahat ng opisyal ng regional at division offices gayundin ang mga superintendent at public school supervisor na iwasan ang pagrerequire sa mga guro na gumawa ng ilang mga tasks na hindi naman sakop ng kanilang duty.

Ito ay matapos makatanggap ng ulat ang DepEd noong Nobyembre na may ilang guro na inutusan na maghanda o punan ang mga template para sa pagtatasa ng mga programa, proyekto at aktibidad kung saan dapat ito ay naisakatuparan ng mga tauhan ng regional o school division offices.

Ito ay para sa layunin ng pagbibigay-daan sa mga guro na tumutok at mapakinabangan ang kanilang oras sa pagsasagawa ng mga tungkulin sa pagtuturo.

Binanggit ng DepEd ang iba’t ibang batas at patakaran para suportahan ang pagbabawal, tulad ng Magna Carta for Public School Teachers at ilang iba pang kautusan at memorandum ng DepEd sa deployment at pagtatalaga ng mga public school teachers at guidelines sa oras ng trabaho ng mga public school teachers.

Ang sinumang tauhan ng DepEd na lalabag sa anumang probisyon ng mga patakarang ito ay haharapin nang administrative cases at ilang kaukulang mga kaso sa paglabag.