-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Inamin ng Alliance of Concerned Teachers na maraming mga guro sa Bacolod at Negros Occidental na humihingi ng karagdagang honorarium matapos mag-overtime sa araw ng eleksyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay ACT Negros Occidental president Gualberto Dajao, inihayag nitong nag-overtime ang karamihang mga guro na nagsilbing chairman o miyembro ng electoral board kahit tapos na ang voting hours alas-6:00 Lunes ng gab-i dahil sa ilang mga aberya.

Sa mga clustered precincts na naaberya ang vote counting machines o secure digital (SD) cards, napilitan ang mga guro ayon kay Dajao na manatili sa classroom dahil sa utos ng Commission on Elections na huwag iwan ang presinto habang hindi pa napapalitan ang SD card at hindi nakatransmit ng election returns.

Dahil dito, hindi matanggi ayon sa ACT president na may mga guro na nagrereklamo na hindi sapat ang honorarium na kanilang tatanggapin sa pagod.

May ilang teachers din aniya na sumama ang pakiramdam dahil sa pagod.

Nabatid na hanggang ngayon, hindi pa naibibigay ang P6,000 honorarium ng chairman ng electoral board; at P5,000 na honoraria para sa miyembro ng electoral board.