-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pananambang sa dalawang public school teachers sa Pikit, Cotabato na nagresulta sa pagkasawi ng isa at ikinasugat naman ng isa pa.

Ito ang inihayag ni P/Lt Col. John Miridel Calinga, Hepe ng Pikit MPS sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ni Calinga ang nasawi na si Joel Reformado, 36-anyos, na elementary teacher sa Damalasak Elementary School, habang patuloy namang nagpapagamot sa bahay pagamutan ang 37-year-old na kasamahan nitong si Elton John Lapined, na guro din sa Mapagkaya Elementary School at parehong mga residente ng Poblacion sa nasabing bayan.

Ayon kay Calinga, bumabiyahe na pauwi sa Poblacion ang magka-angkas na mga guro ng tambangan sa tapat ng Manaulanan Elementary School ng hindi patukoy na riding-in-tandem suspect.

Inihayag naman ng mga kaanak ng dalawang guro na wala umanong nakaaway ang dalawa bago paman ang insidente.

Nagtamo ng gunshot wound sa ulo at sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Reformado na siyang dahilan ng kaniyang agarang kamatayan; habang sumailalim naman sa operasyon sa isang ospital sa bayan si Lapined.

Nakuha sa crime scene ang 10 basyo ng bala ng caliber 45. mm at dalawang bala. Sa ngayon naka heightened alert ang Pakit PNP para mapadaling matukoy ang mga suspek na agad tumakas patungong Ginatilan, Pikit, Cotabato.

Napag-alaman na ang bayan ng Pikit sa ngayon ang mas binabantayan dahil sa sunod-sunod na rin na mga shooting incident na nangyayari sa kanilang lugar.