Pinagbigyan na ng pamahalaan ang hiling ng Department of Education (DepEd) na mas mataas na honoraria at dagdag na allowance para sa mga gurong magsisilbi sa darating na halalan.
Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na matagal na panahon na silang nakikipag-negosasyon ukol dito dahil karapat dapat lamang aniya ito para sa mga gurong nagsisilbi para sa bayan.
Ayon kay Briones, kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang DepEd sa Commission on Elections (Comelec) at Department of Budget and Management (DBM) upang matiyak ang dagdag na allowance para sa mga ito.
Samantala, sinabi naman ni Education Undersecretary Annalyn Sevilla na nasa P7,000 na ang matatanggap ngayon ng mga board chairman, mas mataas ng isang libo kumpara sa natanggap ng mga ito noong 2019 mid-term elections, nagkakahalaga naman ng P6,000 ang mga board members, P5,000 para sa supervising official, at P3,000 naman para sa mga support staff.
Bukod dito ay makakatanggap din ng iba’t-ibang allowance ang mga ito kabilang na ang P2,000 para sa transport allowance; P1,500 communication stipend; P500 anti-COVID-19 allowance; at medical and accident insurances.
Sa ngayon ay nasa 320,000 na mga guro na ang kabilang sa election board members para sa darating na halalan sa Mayo 9.