Limang bayan mula sa lalawigan ng Davao Del Sur ang pinakanaapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol na tumama kahapon.
Ayon kay NDRRMC Spokesman Mark Timbal, kabilang sa mga gusali at paaralan na nagtamo ng pinsala ay ang Southern Trade Shopping Center, Padada Municipal Station at Maria Cleta National High School sa Padada, brgy. hall sa Poblacion ng Matanao Nadilla Ellementary School at Nadilla Elementary School sa Kiblawan, municipal hall sa Magsaysay at Municipal Hall, Sangguniang Bayan Building at Hagonoy National High School sa Hagonoy.
Sinabi ni Timbal na sa ngayon patuloy pa ang ginagawa nilang pagkalap ng datos hinggil sa bilang ng mga pamilya at naapektuhan ng lindol.
Gayundin sa bilang ng mga casualties.
Nasa 18 mga munisipalidad at syudad sa mga lalawigan ng Sarangani, South Cotobato at Sultan Kudarat ang naitalang nagkaroon ng problema sa koryente na sa mga oras na ito ay naibalik na.
Samantala, umabot sa 315 mga bahay ang naitalang napinsala ng 6.9 magnitude na lindol na tumama sa Davao Del Sur at karatig lalawigan.
Ayon sa NDRRMC, nanggaling ang mga nasirang bahay mula sa bayan ng Hagonoy habang patuloy naman ang pagtanggap nila ng mga ulat ng mga nasirang bahay mula sa mga bayan ng Padada, Matanao, Kiblawan at Magsaysay.
Dahil pa rin sa lindol, mula sa blue alert ay itinaas na sa Red alert ang status ng Region 11 Disaster Risk Reduction and Management Council.
Habang naka-white alert status naman ang DRRMO ng Region 12 at Bangsamoro Autunomous Region in Muslim Mindanao epektibo kahapon.
Samantala, na-activate naman na ang mga search and rescue teams sa mga lalawigan na apektado ng lindol.