-- Advertisements --
OFW ARRIVAL

Pinag-iingat ngayon ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga gustong mag-abroad na mag-ingat ang mga ito dahil sa mga naglipanang iligal na recruitment agencies.

Kasunod na rin ito nang pagpapasara ng DMW sa isang immigration consultancy firm sa Makati City dahil sa umano’y illegal recruitment operations.

Sinabi ni DMW Sec. Susan “Toots” Ople na, nag-aalok umano ang ipinasang kumpanya sa mga aplikante ng trabaho sa iba’t ibang bansa.

Kabilang na rito ang South Korea at Canada.

Modus daw ng naturang agency na maningil ng placement fees mula P80,000 hanggang P200,000 sa bawat aplikante.

Personal pang pinuntahan ni Ople, kasama ang Makati City police, ang naturang consultancy firm sa San Lorenzo upang ipatupad ang closure order.

Sinabi ni Ople na hindi raw lisensiyado ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang ahensiya at nangongolekta ng resumes ng mga workers.

Nalaman umano ni Ople ang ilegal na gawain ng kompanya mula sa sumbong ng Philippine labor attaché sa South Korea.

Dahil dito, sinabi ni Ople na kapag ang offer ay “too good to be true” ay karaniwang hindi ito totoo.

Kasunod nito, muli namang nagbabala si Ople na “zero-telerance” ang ipatutupad ng gobyerno sa lahat ng illegal recruiter.

Ang naturang kumpanya sa Makati ang ika-apat na umano’y illegal recruitment agency na ipinasara ng DMW.