ILOILO CITY – Nagpaparamdam na umano ang mga kongresistang nais maging susunod na House Speaker sa 18th Congress.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo 5th District Rep. Raul Tupas, sinabi nito na kahit dalawang buwan pa bago magbukas ang 18th Congress, mahigpit na umano ang ginagawang hakbang ng mga nagnanais na sumunod sa maiiwang puwesto ni outgoing House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Tupas, kabilang sa mga nagpaparamdam na maging House Speaker ay sina Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco, Leyte Rep. Martin Romualdez, Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, at dating House Speaker at ngayon Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez.
Ani Tupas, inaasahan rin na magiging mahigpit ang tunggalian sa naturang pwesto ng mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban) na sina Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales, Jr., Romualdez , Velasco, at Alvarez.
Ngunit una nang sinabi ni PDP-Laban president Aquilino Pimentel III na sila sa partido ang mamimili kung sino sa tatlo ang kanilang magiging pambato para sa House speakership.
Dagdag pa ni Tupas, marami rin ang nagsasabi na kwalipikadong maging House Speaker si outgoing senator at ngayo’y Antique Lone District Rep. Loren Legarda.
Ngunit ayon sa kongresista, walang balak si Legarda na mamumo sa Kamara.