LAOAG CITY – Mas maganda ang mga hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung ikukumpara sa mga State of the Nation Address o SONA ng mga nagdaang administrasyon.
Ito ang inihayag ni Atty. Domingo Egon Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines matapos ang naging ikatlong SONA ni Pang Marcos.
Ayon kay Cayosa, ang pagbibigay kahalagahan ng pangulo sa ibat ibang sektor tulad ng agrikultura, medical, infrastructures, internet connectivity maging sa pagsasakatuparan sa mga benepisyo na makukuha ng mga guro at empleyado ng gobyerno; usapin sa West Phil. Sea at pagpapatigil ng operasyon sa lahat ng Phil. Offshore Gaming Operations o POGO ay maituturing na hindi makasarili dahil inisip ng pangulo ang pangkalahatang sektor.
Pinuri rin nito ang ginawang pagkilala ni Pang Marcos sa mga benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program na nanguna sa kanilang mga board exams.
Sa kabila nito, ipinunto ni Cayosa na kahit maganda ang mga hangarin ng pangulo para sa taumbayan kung hindi mapuksa ang korapsyon, magpapatuloy ang lack of accountability at lack of transparency ay matatagalan bago makakamit ang kanyang mga mithiin.
Samantala, hindi naman pasado para kay Mr. Genaro Dela Cruz, tagapagsalita ng Ilocos Human Rights Alliance sa mga nais ni Pang Marcos sa sektor ng agrikultura
Naniniwala si Dela Cruz na kulang ito dahil hindi pa aniya nakikita ang iba pang mga problema ng mga magsasaka ngunit umaasa ito na mas tututukan ng Pangulo ang mga problemang mararanasan ng mga magsasaka sa mga panahon man ng El Niño o La Niña.