VIGAN CITY – Maaari umanong isangla o ideposito ng mga magsasaka na naapektuhan ng phreatic eruption ng Taal volcano ang kanilang mga alagang hayop.
Ito ang kinumpirma ni Agriculture Secretary William Dar sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan.
Aniya, naglaan umano ang Agriculture Credit Policy Council nga ahensya ng P10-milyon ipambabayad nila sa mga magsasaka na magsasangla o magdedeposito ng kanilang mga alaga.
Babayaran umano ang mga magsasaka na magdedeposito o magsasangla ng kanilang mga alaga ng 1/4 kung hindi man kalahati ng original price nito.
Ipinaliwanag ni Dar na makukuha pa rin naman umano ng mga magsasaka ang kanilang mga alagang-hayop kapag normal na ang sitwasyon sa kanilang lugar.
Ang mga maidedepositong hayop ay aalaagan sa Taal Livestock Care Emergency Operations Center sa Southern Tagalog Integrated Agriculture Research Center sa Lipa City upang maibalik sa normal ang kanilang kondisyon lalo na ang mga namayat dahil hindi nakakain ang mga ito ng maaayos dahil naiwan ng mga may-ari nang pumutok ang bulkan.