-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inihayag ng Alliance of Health Workers (AHW) na hindi ‘merry’ ang Pasko ng mga health workers.

Ayon kay AHW National President Robert Mendoza sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hanggang sa ngayon kasi hindi pa naibibigay ang matagal ng hinihintay na pangakong benepisyo para sa mga health workers.

Umaasa kasi ang grupo na bago ang Kapaskuhan ay matanggap na ang naturang mga benepisyo, subalit walan paramdam ang gobyerno.

Binigyang diin ni Mendoza na kahit kalahati lang sana ng mga benepisyo sa ilalim ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 tulad ng Special Risk Allowance (SRA), One Covid Allowance (OCA) at Health Emergency Allowance (HEA) ay maibigay bago magpalit ng taon.

Aniya, kahit papano ay mapasaya nito ang mga health workers ngayong Pasko sa gitna ng mataas na presyo ng mga bilihin.

Sa Disyembre 15, ang grupo ay nakatakdang magsagawa ng malawakang mobilisasyon kasama ang mga health workers mula sa mga pribado at pampublikong hospital upang muling kalampagin ang gobyerno sa pag-asang madinig na ang matagal na nilang hinaing.