CAUAYAN CITY – Lampas na ng apat na araw ang 10 araw na ibinigay na deadline ng mga health workers sa pamahalaan para ibigay ang kanilang benepisyo sa ilalim ng Bayanihan 2.
Dahil dito ay magsasagawa ang mga health workers ng mga pribadong hospital ng kilos protesta dakong alas nuebe ng umaga sa Lunes, ikaanim ng Setyembre sa harapan ng gusali ng Department of Health (DoH).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jao Clumia, presidente ng Saint Luke’s Medical Center Employees Association (SLMCEA) na ito ay dahil hindi pa nila natatanggap hanggang ngayon ang benepisyo na nakapaloob sa Bayanihan 2 tulad ng Special Risk Allowance (SRA) para sa lahat ng mga health workers at nakapaloob sa DoH Administrative Order 2020-0054 na insurance at Meals Accomodation and Transportation Allowance.
Ayon kay Clumia, ang mga lalahok sa kilos protesta ay mga healthcare workers mula sa mga pribadong ospital at iba pang grupo na sumusuporta sa kanilang panawagan.
Magpapatuloy ito aniya hanggat hindi tinutugunan ng DoH ang kanilang hinaing.
Target nila ang isang libong lalahok sa National Capital Region (NCR) at mayroon din kilos protesta sa Calamba, Laguna at iba pang panig ng bansa dahil nanawagan sila na magsagawa ng sariling pagkilos ang mga health workers sa mga lalawigan.
Tiniyak ni Clumia na masusunod ang mga health protocols at hindi maaapektuhan ang kanilang trabaho sa mga ospital.
Ang mga sasali ay ang mga naka-day off at pang-hapon at ang duty ay panghapon at panggabi para hindi maapektuhan ang kanilang trabaho.