![image 35](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/01/image-35.png)
Nakatakdang magsumite ng courtesy resignation ang lahat ng full-pledged colonel at general sa hanay ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police.
Ito ay bilang pagtanggap ng nasabing hanay ng pulisya sa hamon ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na magsumite ng courtesy resignation ang lahat ng mga colonel at heneral sa pambansang pulisya bilang bahagi ng paglilinis sa buong hanay nito.
Ayon kay PNP-Criminal Investigation and Detection Group director PBGEN Ronald Lee, ito aniya ay patunay na malinis ang kaniyang konsensya at hindi siya natatakot sa hamong magbitiw sa pwesto dahil nasisiguro raw niya na hindi siya sangkot sa illegal na droga.
Aniya, nakahanda silang tumalima sa panawagan ni Abalos dahil walang dapat na ikatakot ang mga 3rd level officials ng kanilang hanay dahil nakatitiyak sila na walang bahid ang kanilang integridad.
Samantala, kung matatandaan ay una na rin ipinahayag ng Philippine National Police sa katauhan ng Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan na suportado nila ang apelang ito ni Abalos para rin anila sa kapakanan at kabutihan ng buong organisasyon.