-- Advertisements --

Hindi rin makakalusot ang mga hindi pa bakunadong mga tsuper ng mga pampublikong transportasyon sa ipatutupad na ‘no vaccination, no ride’ policy ng Department of Transportation (DOTr).

Sinabi ni Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) National President Ricardo “Boy” Rebaño, na kabilang ang mga hindi pa nababakunahang mga driver sa ipapatutupad na ‘no vaccination, no ride’ policy sa buong Metro Manila.

Aminado si Rebaño na hindi pa bakunado laban sa COVID-19 ang lahat ng miyembro ng kanilang asosasyon at alam na rin aniya ng mga ito na hindi sila maaaring pumasada kung hindi sila bakunado.

Upang matiyak aniya na walang makakalusot sa mga ito ay inatasan na ang mga operators na i-check ang kanilang mga nasasakupang drivers kung sinu-sino pa ang mga hindi nababakunahan laban sa nasabing virus.

Aniya, pananagutan ng bawat operator kung sakaling may mahuling hindi pa mga bakunadong mga driver ang nagmaneho at pumasada habang ipinaiiral ang naturang polisiya sa rehiyon.

Samantala, sa panig naman ng pagpapatupad ng naturang polisiya sa mga pasahero ay sinabi rin ni Rebaño na magkakaroon sila ng pagpupulong kasama ang Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) upang talakayin ang iba’t-ibang mga concern ukol dito katulad na lamang ng tamang pagsusuri kung ang vaccination ID na ipapakita ng isang pasahero ay peke.

Inatasan na rin aniya nila ang kanilang mga miyembro na ipaskil na ang Department Order No. 2022-001 na ‘no vaccination, no ride’ policy sa kanilang mga jeep at magsimula nang suriin ang mga vaccination ID o certification mula sa IATF-LGU ng kanilang mga pasahero.

Magugunita na nakasaad sa naturang department order na ang sinumang lumabag sa nasabing kautusan ay mapapatawan ng karampatang kaparusahan at ituturing itong paglabag sa general safety and health provision alinsunod sa ipinatutupad na rules and regulations ng mga kinauukulang ahensya at sectoral offices ng Department of Transportation (DOTr).