TUGUEGARAO CITY – Pinaghahanda na ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang mga hog raisers sa Pilipinas sa planong pag-export ng mga karne ng baboy sa mga bansang apektado ng African swine fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Dr. Ronnie Domingo, OIC-Director ng BAI na naabisuhan na ang ilang malalaking hog raisers kaugnay sa mga inilatag na kondisyon ng bansang Singapore na unang nagpahayag ng interes na mag-angkat ng karne ng baboy, manok at itlog sa Pilipinas.
Kabilang sa mga kondisyong inilatag ng Singapore ang pagnanais na makita ang malinis na pangangalaga sa baboy at ligtas na pagpo-proseso ng mga karne nito.
Kailangan rin ang regular na pagsasagawa ng laboratory tests sa mga itlog at karne upang matiyak na ligtas itong kainin.
Ayon kay Domingo, mataas kasi ngayon ang demand ng karne ng baboy sa mga bansang apektado ng virus dahil sa kakulangan ng suplay.
Nauna nang ipinagbawal ang pagpasok ng mga karneng baboy at pork-based products mula sa 17 bansang apektado ng ASF virus kung saan pinakahuling nagdeklara ng outbreak ang bansang Laos, na katabi lamang ng Vietnam na unang tinamaan ng naturang sakit.
Umapela rin ang opisyal sa mga OFW mula sa mga “high risk countries†na huwag nang mag-uwi ng mga produkto gawa sa baboy na posibleng maging sanhi ng pagkalat ng naturang virus na posiblenag ikalugi ng industriya.
Sinabi pa ni Domingo na walang aprubadong bakuna o gamot laban sa ASF na ikamamatay ng mga baboy na nahawaan ng virus subalit wala namang epekto ang sa mga tao.
Bagama’t nakakabahala ang mabilis na pagkalat ng ASF, sinabi ni Domingo na malaking oportunidad naman ito sa mga bansang walang kaso ng naturang sakit ng baboy tulad Pilipinas.