-- Advertisements --

VIGAN CITY – Tila napaghandaan umano ng bansang Saudi Arabia ang paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID- 19) kahit na nitong mga nakaraang araw ay nakakagulat ang paglobo ng bilang ng mga naapektuhan ng nasabing virus.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Lia Grey, chief nurse ng isang ospital sa Dammam, Saudi Arabia, sinabi nito na ginagamit na umano sa mga ospital sa nasabing bansa sa paglaban ng COVID- 19 ang mga hospital equipments at iba pang estratehiya na nagamit noong lumaganap ang sakit na SARS sa Saudi.

Maliban pa rito, naipatupad na rin umano ang 24-hours curfew sa nasabing bansa kung saan hindi na pinapayagang lumabas ng bahay ang mga tao, lalo na ang mga bata at matatanda.

Kung mayroon man umanong lakad o kailangang asikasuhin sa labas ang isang residente, kailangan ay mag-isa lamang itong lumabas sa kanilang bahay o di kaya naman ay kasama nito ang kaniyang driver.

Sa ngayon, aabot na sa halos 2, 800 ang bilang ng mga nagpositibo sa nasabing sakit kung saan 41 ang namatay at 615 ang naka-recover.