KALIBO, Aklan—Daan-daang hotel rooms ang fully booked sa ngayon sa isla ng Boracay dahil sa nalalapit na triathlon sports events na gaganapin sa Oktobre 19 hanggang 22, 2023.
Ayon kay Oliver Sallas, triathlon event director, kampante ang kanilang organisasyon na makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya ng Boracay at lalawigan ng Aklan ang nasabing sporting events dahil hindi lamang mga hotels, resorts at iba pang establisyimento na kanilang partners ang makakabenipisyo kundi maging ang mga restaurants, water sports associations at maraming iba pa.
Dagdag pa ni Sallas na hindi lamang isang araw mananatili ang mga guest kundi tatagal ang mga ito ng tatlo hanggang apat na araw upang magliwaliw sa tanyag na isla.
Inaasahan na makakapagbigay ito ng dagdag kabuhayan at kita sa mga workers sa Boracay gayundin hahakot ng maraming turista at oportunidad para lalo pang ma-showcase ang isla bilang isang sports tourism destination.