TUGUEGARAO CITY- Nagbabala si Neri Colmenares, chairman ng Bayan muna na maaaring kasuhan ang mga huhuli sa mga preso na pinalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance(GCTA) Law na hindi susuko sa loob ng ultimatum na ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ni Colmenares na ligal ang pagpapalaya sa mga nasabing convicts dahil mayroon silang release order.
Hinamon din ni Colmenares ang mga magpapatupad sa paghuli sa mga pinalayang preso na maghain ng kaso at magprisinta ng mga ebidensiya para sa warrant of arrest.
Sinabi ni Colmenares na may karapatan ang mga preso na tumanggi sa pag-aresto sa kanila ng mga pulis.
Idinagdag pa ni Colmenares na hindi maituturing na pugante ang mga napalaya sa ilalim ng GCTA Law kung hindi sila tutugon sa kautusan na sila ay sumuko.
Sinabi pa ni Colmenares na dapat na kasuhan din ang mga opisyal ng Bureau of Corrections na sangkot sa maanomalyang pagpapatupad ng GCTA Law.
Ayon sa kanya, sila ang dahilan kung bakit nadadamay ngayon ang mga preso na nakalaya na kualipikado naman sa ilalim ng nasabing batas.