Nababahala si Vera Files president Ellen Tordesillas sa posibleng epekto ng panibagong matirix na inilabas ng Malacanang hinggil sa umano’y ouster plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang panayam, sinabi ni Tordesilla na inilalagay lamang ng Malacanang sa peligro ang mga taong idinawit nito sa panibagong matrix na inilabas ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo kahapon.
Para sa beteranong mamamahayag, iresponsable ang paglalahad sa media ng naturang matrix gayong pawang kasinungalingan lamang daw ito.
“I’m disturbed by the incompetence and viciousness,” ani Tordesillas makaraang mapasama ang kanyang pangalan sa panibagong matrix ng Malacanang.
Nakikita na rin daw niya na lalo lamang titindi ang galit ng mga taga-suporta ng Duterte administration laban sa kanya at iba pang nabanggit na personalidad sa panibagong matrix.
Kung tutuusin, bilang mamamahayag, hindi raw niya trabaho na patalsikin sa puwesto si Duterte.
Ibinabalita lamang daw nila ang anumang destabilization efforts na ikinakasa laban sa Pangulo subalit bilang isang responsableng mamamahayag ay hindi naman daw sila nakikisaw-saw sa mga ito.
“We’re on the side of truth. We’re confident that this will be proven wrong in the end,” giit ni Tordesillas.