(Update) DAVAO CITY – Sasampahan na ng kaso ang dalawang mga indibidwal na planong magpalusot sana ng mga iligal na droga sa loob ng Davao City Jail kung saan isinilid ito sa kalabasa na nagkakahalaga ng P368,000.
Naharang ng mga personahe ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Davao ang dalawang mga suspek matapos ang isinagawang inspeksiyon sa kanila.
Una nang nakilala ang mga suspek na sina Roberto Llego, 48, at isang Amelyn Lomigo, 28, parehong residente ng Maa sa lungsod.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nagsagawa ang jail inspectors ng inspeksiyon sa mga inihatid na gulay ng mga suspek na isinilid sa sako.
Napansin ng mga otoridad ang 20 mga transparent plastic cellophane na may laman na dalawang disposable lighters, PC-rolled aluminum foil, at sigarilyo.
Una nang napag-alaman ng BJMP officials na aabot sa 23 grams ng mga pakete ng iligal na droga ang kanilang narekober.
Parehong mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga ito.
Hinigpitan pa ngayon ng BJMP ang kanilang monitoring lalo na at hindi lamang ito ang unang beses na may ipinasok na kontrabando sa loob ng pasilidad kung saan noong buwan ng Oktubre hinalo rin sa ulam na adobo ang mga pakete ng illegal na druga.
Sa kasalukuyan, temporaryo muna na sinuspende ang pag-deliver ng mga gulay sa loob ng pasilidad.