Hindi papayagang magbakasyon mula sa Nobyembre 15 hanggang Enero 15 ang mga personahe ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa mga international port.
Ito ang kumpirmasyon ni Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Ang pagbabawal sa mga “leave” ay magtitiyak na magkakaroon ng sapat na mga tauhan upang mahawakan ang pagdagsa ng mga pasahero sa panahon ng kapaskuhan, lalo na sa pagpapagaan ng mga paghihigpit dahil sa pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Tansingco, nagsimula nang tumaas ang dami ng pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Inihayag naman ni BI acting ports operations chief Carlos Capulong na ang pagbabawal sa “leave” ay nalalapat sa lahat ng empleyado ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa airport at iba pang international port tulad ng sa Mactan, Clark, Davao, at Kalibo.
Tanging ang mga empleyadong may medical at iba pang emergencies ang papayagang umalis.
Sinabi ni Capulong na magkakaroon din ng isang espesyal na pangkat ng mga opisyal ng BI na laging naka-standby upang dagdagan at tumulong sa pagproseso ng mga darating at papaalis na pasahero.