KORONADAL CITY – Patuloy na kinukumpirma ng Philippine Army (PA) ang lumutang na impormasyon na mayroon umanong ilang mga kabataan na kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Dawlah Islamiya terror group na nanguna sa pag-atake sa Datu Piang, Maguindanao.
Ayon umano sa ilang mga residente, narinig nila ang ilang mga kabataan na nagsisigaw ng “Allahu Akbar” ng makailang beses dala ang kanilang mga armas.
Susunogin daw umano nila ang Sta. Teresita parish church ngunit pinigilan sila ng kanilang matatandang mga kasama.
Masyado umanong agresibo ang mga ito at gusto umanong pasukin ang simbahan at saktan ang mga residente ngunit hindi sila pinayagan sa pagsasabing target lamang umano nila ang hepe ng Datu Piang PNP na si PCapt. Israel Bayona.
Ayon kay Lt. Col. Anhouvic Atilano, spokesperson ng 6th Infantry Division Philippine Army, kinilala nito ang mga suspek na mga miyembro ni Karialan Saga Animbang ng Karialan faction ng BIFF at Kumander Sukarno Guilil alias Motorola, na isa sa mga nangunguna sa mga paglusob sa mga military at police detachments.
Batay sa huling impormasyon, nasa tatlong kasapi ng BIFF ang nasawi matapos ang kanilang pag-atake bago umatras dahil sa pagdating ng reinforcements ng mga sundalo.