Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na dapat litisin at arestuhin ang sinuman na nag-aalok para manipulahin ang halalan sa susunod na taon.
Ito ay matapos sabihin ni Comelec chairman George Garcia na nakakatanggap sila ng report na mayroong mga indibidwal at mga grupo ang nagsasabing kaya nilang panalunin ang isang kandidato kapalit ng pagbabayad ng P50 million hanggang P100 million dahil mayroon umano silang mga kontak sa poll body at service providers.
Saad pa ng poll body chief na maaaring kasuhan ang mga suspek ng estafa o fraud at election offenses.
Sinabi pa ni Garcia na ang nasabing mga indibidwal ay nagooperate karamihan sa Visayas at Mindanao.
Kaugnay nito, sinabi ng Comelec chairman na hiningi na nila ang tulong ng National Bureau of Investigation para makontrol ang ilegal na aktibidad.
Samantala, nanindigan naman ang opisyal na hindi maaaring ma-tamper ang resulta ng automated elections dahil ang mga kaso ng election fraud simula noong 2010 general election ay hindi pa napapatunayan.