ILOILO CITY – Lumobo pa sa higit 50 mga inmate at personnel ng Bureau of Jail Management ang Penology (BJMP) Male Dormitory sa lungsod ng Iloilo ang nahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jail Supt. Gilbert Peremne, deputy regional director for administration, sinabi nito na kabuuang 51 mga kaso ang naitala ng BJMP-Iloilo City District Jail kung saan 39 ang Persons Deprived of Liberty (PDL) at 12 naman ang mga personnel.
Ayon sa kanya, ang mga infected ng virus ay nasa isolation facility na at nananatiling asymptomatic.
Ani Peremne, ang mga jail officers na nagpositibo sa COVID-19 ang walang close contact sa kanilang pamilya dahil nanatili lamang ito sa loob ng jail facility kung saan nilimitahan ang kanilang galaw simula ng tumaas ang kaso ng COVID-19.
Nagsimula umano ang outbreak ng virus sa BJMP Male Dormitory matapos namatay ang 31-anyos na preso dahil sa COVID-19.