-- Advertisements --

Binigyang diin ng National Bureau of Investigation na walang dapat ikaalarma ang publiko hinggil sa mga insidente ng kidnapping sa bansa.

Ito ay kasunod nang mapaulat ang pagkidnap at pagpaslang sa isang negosyanteng Filipino-Chinese na si Anson Que kamakailan.

Kaya naman ang kawanihan ay nagpaalala sa mga Pilipino at maging sa naturang komunidad na huwag mabahala sapagkat may aksyon na raw na ginagawa ang pamahalaan.

Ayon kasi kay National Bureau of Investigation Director Jaime B. Santiago, ang ilang organisasyon raw ng mga Filipino-Chinese sa bansa ay naalarma na sa mga pangyayari.

Ngunit sinabi naman ng naturang direktor na sa kabila ng pag-aalalang ito, aniya walang dapat ikabahala dahil sa ang Department of Justice, Philippine National Police at ilan pang ahensya ng gobyerno ay siyang pangungunahan ang pagresolba sa isyung ito ng bansa.

Pangako din niya na makakaseguro umano ang publiko sa agarang paggawa nila ng aksyon hinggil sa mga naitalang insidente ng kidnapping.

Sa kabila nito, ipinagmalaki naman ni National Bureau of Investigation Director Jaime B. Santiago ang kanilang Anti-Kidnapping Task Force na siyang tutugon sa pagresolba ng isyung laganap ngayon sa bansa.

Kung saan ipinaliwanag niya ang kahalagahan nito na makapagbibigay daan sa iba’t ibang mga ahensiya ng gobyerno upang mas mapaigting ang koordinasyon nito sa isa’t isa.

Ayon pa sa kanya, sa pamamagitan ng Task Force Anti-Kidnapping malayang makapagbabahagi ng impormasyon ang National Bureau of Investigation, Philippine National Police sa pangunguna ng Department of Justice sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.