-- Advertisements --

Nakapagtala ng mas mababang bilang ng mga insidente ng sunog sa bansa ang Bureau of Fire Protection nitong Disyembre 2023 kumapara sa kaparehong buwan noong nakalipas na taong 2022.

Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni BFP spokesperson Fire Superintendent Annalee Carbajal-Atienza na ito ay matapos na makapagtala ang bureau ng 1,024 fire incidents nitong Disyembre 2023 na ‘di hamak na mas mababa kumpara sa 1,090 na mga insidente ng sunog na kanilang una nang naitala sa buong bansa noong 2022.

Mas mababa rin ang mga insidente ng sunog na naitala ng naturang kawanihan sa National Capital Region kung saan aabot lamang sa 97 ang insidente ang naitala nitong Disyembre 2023, mas mababa rin kumpara sa 249 na naitala sa rehiyon sa kaparehong panahon noong 2022.

Ayon sa tagapagsalita, ang mas mababang bilang na ito ng mga insidente ng sunog naitala ng BFP ay bunga ng pagpapatupad ng mga local firecracker ban ng mga LGU, at gayundin ang visibility ng fire trucks.

Samantala, sa kabila naman ng mga insidente ng pagsiklab ng sunog na naitala ng BFP sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa ay wala naman itong naitalang anumang firecracker-related fire incidents mula noong Disyembre 24, 2023.

Bukas, Enero 2, 2023, ay nakatakdang alisin ng BFP ang kanilang red alert status sa kanilang buong hanay.