GENERAL SANTOS CITY – Pinapasumite ngayon ng Business Permits and Licenses Division ng lungsod ng GenSan ng mga kaukulang dokumento ang Kabus Padatoon (KAPA) kaugnay sa kanilang pag-o-operate sa lugar.
Ito’y matapos ang isinagawang inspeksyon sa branch ng nasabing investment scheme sa Prk. Masunurin, Barangay San Isidro sa lungsod, kasama sina BPLD department head Geraldine Zamora at si General Santos City Police Office Director P/Col. Aden Lagradante.
Bigong makapagpakita ang mga tauhan ng KAPA ng board resolution na nagbibigay sa kanila ng pahintulot na makapag-operate sa GenSan, dahil nasa Alabel, Sarangani Province ang kanilang main office.
Sa halip ay lumang board resolution galing sa Bislig City, Surigao del Sur ang ipinakita ng mga taga-KAPA sa mga otoridad.
Wala rin umano silang naipakitang bagong Securities and Exchange Commission (SEC) registration, makaraan itong i-revoke ng komisyon noong mga nakaraang buwan.
Kaya naman nakatakdang i-refer ng BPLD sa City Legal Office ang kaugnay sa legalidad ng operasyon ng KAPA sa lungsod para sa sunod na gagawing hakbang.
Nabatid na buong araw na inikot ng mga taga-BPLD at GSCPO ang umano’y mga investment groups sa lungsod at ininspeksyon ang kani-kanilang mga papeles at dokumento.
Ito’y makaraang maalarma na ang mga otoridad sa naglipanang mga investment schemes sa lungsod na nag-aalok ng malaking interes.
Isa na rito ang KAPA na nag-aalok ng 30% na interes sa kanilang mga miyembro na mag-i-invest ng pera sa kanila sa pamamagitan umano ng donasyon.