BUTUAN CITY – Aprubado na ng Sangguniang Panlungsod nitong lungsod ng Butuan ang inihaing resolusyon ng Legal Office ng City Permits and Licensing Division na magbibigay ng isang taong moratorium upang ma-comply ng mga negosyante ang iilang mga rekisitos sa pagkuha ng occupancy permit.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Division Legal Officer Atty. Moshi Ariel Cahoy, na ang pag-isyu ng occupancy permit base sa nakasaad sa National Building Code ay pruweba na ligtas ng gamitin ang isang establisamiento.
Upang ma-isyuhan umano ng occupancy permit, kailangan lang na mag-execute ang mga apektadong negosyante ng affidavit of undertaking upang patuloy na makaka-operate sa kanilang negosyo habang patuloy namang kinukumpleto ang iba pang mga kakailanganing dokumento.
Nilinaw pa ni Atty. Cahoy na may mga negosyanteng hindi pa nabigyan ng occupancy permit simula noong 2009 pataas dahil sa adjustment at corrections na kanilang ginawa masunod lang ang National Building Code base na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa siguridad mga taong papasok sa mga business establishments.
Hindi naman masagot ng opisyal ang tanong nitong himpilan ukol sa mabilis na pagbalik na ng operasyon ang ibang establisamiento maatapos ma-isyuhan ng cease and desist order.
Ang kanya lamang nilinaw na handa ang kanilang tanggapan na mag-assist sa mga negosyanteng dudulog sa kanilang tanggapan ukol sa naturang problema.