Isasailalim sa authentication process ng Department of National Defense (DND) ang mga ipinakitang dokumento ni Senator Antonio Trillanes kung ito ay isusumite sa kanila ng senador.
Ayon kay Defense spokesperson Dir. Arsenio Andolong kailangang masuri ang mga ipinakitang dokumento ng senador.
Sinabi ni Andolong, welcome sa kanila ang paglabas ni Trillanes ng mga dokumento lalo na ang amnesty application nito dahil wala silang record nito na magpapatunay na nakapag file ng aplikasyon ng amnestiya ang mambabatas.
Sa ngayon hinahanap pa rin ng DND ang dokumento ni Trillanes na siyang naging basehan para bawiin ang amnestiya nito ng Pang.Rodrigo Duterte.
Una ng sinabi ni AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo na isa sa tatlong dahilan ng pagbawi ng pangulo sa amnestiya ni Trillanes ay ang nawawalang dokumento kaugnay sa amnesty application.
Kaninang umaga, iprinisinta ni Sen. Trillanes sa media ang mga hawak nitong dokumento na uamnoy galing pa sa Department of National Defense.
Samantala, sa mensahe naman na ipinadala ni dating Defense Secretary Voltaire Gazmin sinabi nito na lahat na binigyan ng amnestiya kasama si Sen. Trillanes ay sumailalim sa tamang proseso.
Makikipag ugnayan din ang dating kalihim sa Ad hoc committe ng sa gayon ma update siya sa mga detalye dahil ilang taon na rin itong nakalipas.
” As far as I can remember all those who were granted amnesty went thru the process. I am getting in touch with the Ad hoc committee so that facts can be refreshed as these happened many years ago,” mensahe na ipinadala ni Gazmin.