Nananatiling malinis at ligtas mula sa epekto ng tumagas na langis ang mga ibinebentang isda sa mga palengke.
Ginawa ni DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa ang pahayag bilang pagpawi sa pangamba ng publiko kaugnay sa lalo pang pagkalat ng tumagas na langis sa mga katubigang sakop ng Manila Bay at labas nito.
Ayon kay ASec. de Mesa, nananatiling ligtas mula sa petrochemicals ang mga isdang ibinabagsak sa mga palengke, batay na rin sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Aniya, kahit sa mga pantalan pa lamang ay hinihigpitan na ang ginagawang sensory evaluation ng fisheries bureau.
Sa pamamagitan nito ay natitiyak aniyang walang nakakalusot na isdang nahuli sa mga lugar na nakitaan na ng tumagas na langis.
Pagtitiyak ng opisyal na mananatili ang mga team mula sa BFAR na magbabantay sa mga pantalan, community fish landing center, at sa mga lugar kung saan kalimitang dumadaong ang mga bankang pangisda upang kaagad mabantayan ang mga huling isda.
Una nang nagsagawa ang BFAR ng sensory evaluation o pagtikim at pag-amoy sa mga isdang nahuli ng mga mangingisdang nagagawi malapit sa mga idineklarang no-catch zone at may nakapataw na fishing ban.