GENERAL SANTOS CITY – Inaabangan na ng mga Japanese ang laban ng Japanese Monster” na si Naoya Inoue kontra kay World Boxing Association at International Boxing Federation champion Marlon “Nightmare” Tapales.
Mamayang alas 7:00 ng gabi oras sa Pilipinas ang 12-rounder na laban ng dalawa sa Ariake Arena sa Koto City sa Tokyo sa unification bout sa 122 pounds.
Ayon kay Bombo Hannah Galvez, international correspondent sa Japan, magiging ‘historic’ para sa mga Japanese ang laban lalong-lalo na kung mapanatili ni Inoue na WBC at WBO champion ang malinis na boxing record sa laban kay Tapales.
Aniya, kilalang pinakamagaling na boxer si Inoue sa Japan na hawak nito ang 25-0 record, 22 nito ang knockouts.
Ang 30-anyos na si Inoue na World Boxing Council at World Boxing Organization titlist at tinawag na pound-for-pound king ang dalawang beses na tinalo si Nonito “The Filipino Flash” Donaire.
Nakataya sa nasabing laban ang apat na super-bantamweight championship belts.
Habang sa panayam ng Bombo Radyo Gensan, sinabi ni Head Coach Ernel Fontanilla na mahigpit nitong bilin kay Tapales na kaagad na tapusin ang laban kung makaka-tiyempo ng knockout.
Kung sakaling manalo si Tapales, siya ang magiging pinakauna nga Filipino undisputed champion.
Nabatid na sa isinagawang pagtimbang ay may bigat si Tapales na 121 and 1/4 pounds habang si inoue ay mayroong 121 3/4 pounds.