-- Advertisements --

Hinimok ng social aid at development arm ng Simbahang Katolika ang mga supporter at kaalyado sa pulitika ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na isantabi ang personal na katapatan at manindigan sa rule of law.

Sa isang statement, nananawagan ang Caritas Philippines sa mga lider ng bansa na unahin ang katarungan at ang kabutihang panlahat kaysa sa partisan interests.

Aniya, ang hustisya ay hindi dapat pinipili sa halip ay dapat itong ilapat sa lahat, anuman ang kaniyang kapangyarihan o posisyon.

Hinimok din ng organisasyon ang dating Pangulo na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs.

Gayundin, hinikayat nito ang administrasyong Marcos na makipagtulungan sa ICC at payagan ang walang kinikilingang imbestigasyon.

Iginiit nito na kung walang itinatago ang gobyerno, walang dapat ikatakot.

Inihayag din ni Bishop Jose Colin Bagaforo, Caritas Philippines president, na deserve ng mga pamilya ng mga biktima ang katotohanan, reparasyon, at hustisya. Bilang isang bansa, dapat aniyang tiyakin na hindi na mauulit ang mga ganitong krimen.