-- Advertisements --
alan peter cayetano
Rep. Alan Peter Cayetano

ILOILO CITY – Walang epekto sa kandidatura ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang kumakalat na text message na huwag itong iboto bilang House Speaker.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Iloilo 2nd District Rep. Michael Gorriceta, sinabi nito na matapos ang pag-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Cayetano, natuldukan na ang isyu sa kung sino talaga ang mamumuno sa Kamara.

Ayon kay Gorriceta, halos lahat ng mga kongresista ang nagpaabot ng pagbati kay Cayetano.

Sinabi ng kongresista na marami ang kaalyado ni Duterte sa Kamara kung kaya’t sigurado na ang panalo ni Cayetano sa House Speakership race.

Matatandaan na una ng kinumpirma ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na nakatanggap siya ng text message mula sa isang kongresista na malapit kay presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte ngunit pinabulaanan naman ni Gorriceta na nakatanggap siya ng nasabing mensahe.