DAGUPAN CITY – Kinumpirma ni Pangasinan 5th District Congressman-elect Ramon Guico III na mayroong pinapapirmahan sa kanya na manifesto para suportahan sa Speakership race si re-elected Leyte First District Representative Ferdinand Martin Romualdez.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Guico na totoong may mga pinapakalat na manifesto sa mga kongresista ngunit hindi pa siya pumipirma o nagbibigay ng suporta sa kahit na sino dahil hindi pa naman nito lubusang kilala ang mga ito.
Ayon kay Guico, aaralin muna niyang mabuti ang mga programa ng mga nag-aasam sa nasabing posisyon bago siya magbigay ng commitment.
Ngunit giit naman ni Guico na wala pa naman siyang natatanggap na alok na pera kapalit ng kanyang boto para sa posisyon ng Speaker sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Una nang ibinunyag ng dating House Speaker at kasakuluyang Davao Del Norte Representative Pantaleon Alvarez na ang mga kandidatong nagtutungggali para sa puwesto ay kailangang maglabas ng P500,000 hanggang P1 million kada boto mula sa 300 incoming congressmen.