BACOLOD CITY – Nakaabang na ang mga kaanak ng Pinoy golfer na si Juvic Pagunsan sa Murcia, Negros Occidental, para sa kanyang torneyo ngayong umaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Julius Susarno, kababata ni Pagunsan sa Barangay Blumentritt, Murcia, hiling ng mga ito ang tagumpay ng 49-year-old golfer sa Kasumigaseki Country Club.
Ayon kay Susarno, mabuting kaibigan at mapagkumbaba si Pagunsan kung saan “down to earth” pa rin ito sa tuwing umuuwi sa kanyang hometown.
Para naman sa tiyuhin ni Pagunsan na si Dionisio, labis ang kanilang suporta sa pamangkin dahil ang tagumpay nito ay tagumpay din ng Negros Occidental at buong Pilipinas.
Kung buhay aniya ang kanyang kapatid na siyang ama ni Juvic, tiyak na ito ay matutuwa na naabot nito ang pangarap na makapaglaro sa Olympics.
Dito na naging emosyonal si Dionisio nang maalala ang kanyang namayapang kapatid.
Bago ang torneyo ni Pagunsan, inihayag ng National Golf Association of the Philippines secretary general na si Bones Floro na “pride, honor and nationalism” ang kanilang nararamdaman matapos makuha ng weightlifter na si Hidilyn Diaz ang pinakaunang gintong medalya ng Pilipinas nitong Lunes ng gabi.
Ayon kay Floro, ang tagumpay ni Hidilyn ay makakatulong sa tagumpay ng iba pang atleta na makapagbigay ng karagdagang medalya sa Pilipinas