Maagang nagtungo ang mga kaanak ni Mary Jane Veloso sa Correctional Institution for Women ngayong araw ng Pasko, Disyembre 25.
Umabot sa 26 na family members ang sakay ng mga nirentahang sasakyan na pawang ninais makita si Mary Jane na mahigit 14 na taong nakulong sa Indonesia.
Dala ng mga ito ang ilan sa mga pagkaing hiniling ni Mary Jane tulad ng sinigang, tinumis, at spaghetti.
Si Mary Jane ay ilang araw nang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City mula noong maibalik siya sa Pilipinas kasunod na rin ng pagpayag ng Indonesian authorities na mailipat ang kaniyang kostudiya sa bansa.
Sa kaniyang pagbabalik-bansa, hinihiling ng kaniyang mga kaanak at abogado na mabigyan siya ng executive clemency upang tuluyan nang makalaya at makasama ang kaniyang pamilya.
Bago nagtungo si Mary Jane sa Indonesia, iniwan niya ang dalawang anak na lalake sa pangangalaga ng kaniyang mga magulang sa Nueva Ecija. Ang dalawa ay kapwa teeanger na sa kasalukuyan.
Ilang grupo na rin ang nananawagan ng tuluyang paglaya ni Mary Jane upang makasama ang mga anak.